RICHMAE BLOG “Paulit-ulit na Sugat ng Bayan”
May mga bagay talaga sa Pilipinas na parang sirang plaka paulit-ulit na lang. Isa na rito ang pangungurakot. Tuwing may bagong administrasyon, laging may kasunod na balita ng katiwalian. Nakakapagod, nakakainis, pero higit sa lahat, nakakalungkot.
Ang pangungurakot ay hindi lang simpleng pagnanakaw. Ito ay isang uri ng pagtatraydor sa tiwala ng taumbayan. Isipin mo, pera ng mga ordinaryong Pilipino ang ginagamit sa mga proyekto, pero minsan, sa bulsa lang ng iilan napupunta. Kaya kahit ilang beses tayong mangarap ng maayos na daan, ospital, o eskwelahan, madalas napuputol dahil may mga taong inuuna ang sariling interes.
Nakakalungkot din na tila nasasanay na ang ilan. Maririnig mo pa minsan, “Eh ganyan naman talaga sa gobyerno.” Pero kung palagi tayong ganyan mag-isip, wala talagang magbabago. Kapag tinanggap na natin na normal ang pangungurakot, parang pinapayagan na rin nating apihin ang sarili nating bayan.
Ang ugat ng lahat ng ito ay kasakiman, kawalan ng takot sa batas, at kakulangan ng malasakit.Maraming opisyal ang ginagawang negosyo ang pulitika — parang puhunan na kailangang bawiin. At habang sila ay nagpapayaman, milyun-milyong Pilipino naman ang naghihirap.
Pero kahit ganoon, naniniwala pa rin akong may pag-asa. Nasa kamay ng kabataan ang pagbabago.Tayo ang bagong botante, bagong lider, at bagong boses ng bayan. Kung magiging mapanuri tayo at pipili ng mga lider na may malasakit at integridad, baka unti-unti nating matuldukan ang ganitong problema.
Sa huli, ang pangungurakot ay hindi lang kasalanan ng mga nasa pwesto — kundi hamon para sa ating lahat. Hamon na maging tapat, hamon na magsalita laban sa mali, at hamon na ipaglaban ang bayan.
Hindi madali, pero posible. Kasi sa totoo lang, ang gobyerno ay repleksyon ng mamamayan. Kung tapat tayo, magiging tapat din ang ating kinabukasan.
Ang "paulit-ulit na sugat ng bayan" ay isang inspirasyon para sa mga katulad nating mga kabataan, nagsisilbi ito upang may makuhanan tayo ng lakas, o ang bawat isa sa atin.
ReplyDeleteito ay tumatalakay sa patuloy na isyu ng korupsyon sa Pilipinas, na inihahalintulad sa isang paulit-ulit na sugat. Binibigyang-diin nito kung paano ang korupsyon ay isang pagtatraydor sa tiwala ng publiko, kung saan ang pondo ng bayan na inilaan para sa mga proyekto na makikinabang sa mga ordinaryong mamamayan ay madalas na ninanakaw ng mga opisyal na gobyerno. Ito ay nagreresulta sa mga sirang pangako ng mas magandang imprastruktura, kalusugan, at edukasyon. Ang mga ugat ng problema ay kinilala bilang kasakiman, kawalan ng takot sa batas, at kakulangan ng malasakit.
ReplyDeletePaano mo maipapakita, bilang isang mamamayan o kabataan, ang pagiging tapat at mapanuri upang makatulong sa paglaban sa pangungurakot na patuloy na nagpapahirap sa bansa?
ReplyDeleteAng akdang ito ay mataas ang kamalayang panlipunan at mapanuring kritika sa realidad ng bansa. Isa itong paalala na ang pagbabago ay magsisimula lamang kapag tinanggihan na natin ang kultura ng pagsawalang-bahala.
ReplyDeleteAng huling linya tungkol sa kasakiman, kawalan ng takot sa batas, at kakulangan ng malasakit ay isang matalim na obserbasyon sa ugat ng problema. Pinapaisip tayo nito na hindi lamang mga opisyal ng gobyerno ang dapat sisihin, kundi pati ang mamamayang tumatanggap at nananahimik sa mali.
This comment has been removed by the author.
ReplyDeletesatingin mo magagamot pa kaya ang sugat ng bayan? sa ulit-ulit ng pangungurakot nila sa bawat mamamayan na pinambili nila ng mga gamit na para sa kanilang ikakasaya, ngunit para sa mamamayan nagbuwis sila ng pawis at pagod para lang may maibigay
ReplyDeleteMaganda ang iyong mga Pananaw tungkol sa Nangyayari sa loob ng ating Bansa. Naayon Ang iyong mga Nasasabi tungkol sa ating Lipunan,Mahusay!!
ReplyDelete